top of page
Writer's pictureAT Banico

Araw ng Manloloko at Nagpapaloko (Day of Fools and Pranksters): Isang Pagsusuri

Updated: Apr 25, 2021


Araw-araw April Fools’ sa Pilipinas at marami nang hindi natutuwa sa mga birong mayroon ito ngayon.


Isa sa pinakapamosong pagdiriwang sa pop culture ang April Fools’ Day. Sa tuwing sasapit ang okasyon na ito, naglilitawan ang iba’t ibang uri ng jokes at prank na hindi lahat ay ligtas at nakakatuwa. Gayunpaman, sa ngalan ng kagustuhang makasunod sa uso at likes/reaction, pinagbubuhusan ng paghahanda ng mga manloloko ang kanilang estilo upang makamtan ang ninanais na reaksiyon mula sa biktima. Magmula sa props, S-tier na pag-arte hanggang sa mga kamerang naka-setup, talaga namang pang-YouTube ang datingan at kuhang-kuha ang ehemplong ibinigay ng mga magkasintahang vlogger.


Maraming kultura ang sinasabing pinagmulan ng April Fools’ subalit ayon sa ilang historyador, maaaring umusbong ito sa kalituhang idinulot ng pagpapalit ng kalendaryo ng mga Pranses mula Julian Calendar patungong Gregorian alinsunod sa kautusan ng Konseho ng Trent noong 1563. Dahil hindi epektibo at mabilis ang pagpapaabot ng balitang ito, may ilang mamamayan na patuloy sumunod sa lumang “bagong taon” ng Julian calendar (April 1) habang ang karamihan ay nagdiriwang na tuwing unang araw ng Enero. Ang mga biktima ay naging tampulan ng tukso at pang-aasar, kaya’t tinawag silang “April fools”. Kalakip nito ang pagkakabit ng larawan ng isdang POISSON D’AVRIL na sumisimbulo sa mga isdang mabilis mahuli o taong uto-uto.



Dahil walang tuwirang salin sa Filipino, maraming pagpapakahulugan at tawag sa araw na ito ang ating mga kababayan tulad ng “Araw ng mga Tanga”, “Araw ng Kalokohan” at ang pinaka-akma sa lahat, “Araw ng Manloloko at Nagpapaloko”. Ang huling katawagan ay nagbibigay turing sa dalawang mahalagang taga-ganap: ang fool (niloloko) at prankster (manloloko) na kapwa may malaking bahagi sa siklo ng pranking.


I. Sikolohiya ng mga Naloloko/Nagpapaloko (Fools)



Tulad ng mga Pranses na may maling kalendaryo, kakulangan din sa tamang impormasyon at pang-unawa ang pangunahing dahilan kung kaya’t maraming naloloko. Ayon sa pag-aaral ni Yariv Tsfati na “Causes and consequences of mainstream media dissemination of fake news: literature review and synthesis” (2020), kapansin-pansin ang pagtaas ng mga biktima ng misninformation at disinformation nitong mga nakaraang taon. Sa kontekstong ito, ang misinformation ay ang pagtanggap ng mga maling detalye na hindi-sadyang ipinakalat tungkol sa isang bagay sa pag-aakalang tama ito. Ang konsepto naman ng disinformation ay ang pagtanggap ng sadyang ipinakakalat na maling impormasyon sa pagnanais na (a) lituhin ang masang kokonsumo nito at (b) ipuslit ang isang lihim na mensaheng maaaring nasa anyong propaganda.


Nabanggit din ni Tsfati na ang paulit-ulit na pagsisinungaling sa publiko ng mga pulitiko ay lumala nitong mga nakaraang taon kasabay ng pag-usbong ng social media. Aniya, ang kakayanan ng mga ito na magbigay ng impormasyon nang direkta sa publiko at lusutan ang inilalabas na kritisismo ng midya laban sa kanilang mga maling gawi ang unti-unting sumisira sa kanilang “factual accountablity” (Graves at Wells, 2019 p. 42). Sa madaling salita, ang mga namumuno rin mismo ang unang pinagmumulan ng disinformation kung kaya't lalong nalalagay sa panganib na maloko ang masang madaling maniwala sa mga pinunong kanilang kinikilala ang kredibilidad. Biktima rin ang ating mga kababayang naloloko at sila ang mga tunay na ginagawang fools kahit hindi April Fools’.


Isa pang mabigat na dahilan ay ang mga “troll” na nagpapalaganap ng mga maling balitang nakakubli sa anyo ng mainstream media. Tinatawag itong “fake news genre” nina Egelhofer at Lecheler (2019) na bahagi ng makinaryang naglalayong magpatakbo ng pulitikal na adyenda o di kaya’y promosiyon ng ilang produkto o serbisyo. Dahil hindi naman lahat ng Pilipino ay may sapat na kaalaman at kakayanang maging kritikal sa mga kontent na ito, agaran ang kanilang pagtanggap at pagbabahagi. Tuloy, bukod sa pagiging biktima ng maling impormasyon ay nagiging parte na rin sila ng patuloy na pagkalat nito.


II. Sikolohiya ng Manloloko (Pranksters)


Sa kabilang banda, maraming teorya kung bakit may mga taong nakakakuha ng benepisyo mula sa kamangmangan ng iba. Isa na rito ang naratibong sa pamamagitan ng mga prank umano naliliwanagan ang biktima sa kaniyang hindi pagiging maalam sa ilang bagay, tulad ng kaniyang mga “‘blind spot”. Isang interesanteng paliwanag din ang ibinigay ni Dr. Eddie Turner ng University of Virginia ukol dito. Aniya:

"They are really a way to put a person down before raising them up. You’re being reminded of your failings even as you’re being honored.”

Sa kasamaang palad, hindi ganito kababaw ang ugat ng malawakang pranking sa ating bansa. Bukod sa paulit-ulit na iskripted na bidyo ng mga Pinoy vloggers, nariyan din ang disinformative na propagandang mismong namumuno ang pinagmumulan. Mula sa umano’y jetski upang protektahan ang ating teritoryo, sa 3-6 na buwang paraiso hanggang sa maayos umano nating hinarap ang kasalukuyang pandemya, tuloy-tuloy ang pambibilog sa masang kapos sa kaalaman.


Sa perspektibo naman ng isang internet troll, hindi lamang pulitikal na prinsipyo ang dahilan ng agresibong interaksyon nila sa internet. Malaking bahagi rito ang perang kanilang sinasahod mula sa partidong kanilang pinagsisilbihan at kasiyahang kanilang natatamo mula sa pang-uuyam ng tao. Para sa iba pang impormasyon, maaaring panoorin ang bidyong ito mula sa Ako si Freud:



III. Pagwakas sa Siklo ng Panloloko



Sa ngayo’y sinusubukang resolbahin ng ilang news outlet ang problema ng fake news peddling at internet trolling sa Pilipinas. Ito ay sa kadahilanang kinikilala nila ang responsibilidad ng mass media upang maging pangunahing pagmumulan ng totoong balita. Ayon kay Tsfati:


“On the one hand, the journalistic community's reaction to the rise of disinformation seems to be a renewed emphasis on truth and facts, with some journalistic brands around the world being more careful with facts than ever (Glasser, 2016). This response is reflected in a sharp proliferation of fact-checking (Graves, 2016), which has increased by more than 900% since 2001 in newspapers and by more than 2,000% in broadcast media (Amazeen, 2013).”

Bagama’t hindi ito agad masolusyunan dahil sa lumalalang redtagging at panunupil sa kalayaan ng pamamahayag sa ating bansa, mahalagang ipagpatuloy natin ang pagfafact-check bago magbahagi ng impormasyon upang hindi tayo maging bahagi ng krisis na ito. Gayundin, ang tanging magagawa sa mga troll ay ang i-report ito at huwag pansinin sapagkat ang kanilang mga natatamong komento rin ang nagbibigay sahod sa kanila. Ika nga, “starve the trolls”. Mawawakasan lamang ang ating suliranin sa malawakang panloloko sa masa sa pamamagitan ng paglikha ng mga hakbangin kontra rito at hindi sa pananahimik lamang.


Samakatuwid, esensyal na kilalanin ng mga kritikal na mamamayan na nagmumukhang-inutil ang masa dahil sa maling impormasyong ibinibigay sa atin ng mga nasa itaas. Kalakip nito ang responsibilidad na tuldukan ang pagpapalaganap ng mga pekeng balita at detalye sa pamamagitan ng pagbibigay-kritisismo at pagrereport (kung online man) sa mismong ugat nito. Hindi mainam ang pagturing bilang kalaban sa mga Pilipinong may maling kaalaman at impormasyon na tila pagsasabit ng papel na isda sa kanilang likuran dahil sa huli, pare-pareho lamang tayong biktima ng sistemang bulok at magulo. Ang dapat panagutin ay ang payaso na payapang natutulog sa kaniyang kulambo habang nagugutom ang kapwa natin Pilipino.


Recent Posts

See All

1 Comment


Aldrin Adrales
Aldrin Adrales
Apr 02, 2021

💯

Like
bottom of page