top of page
TMPS MH Literary Group

Bata, Bata, Tuli ka na ba?: Ang Kultura ng Sirkumsisiyon sa Pilipinas


I. Kaligiran ng Pagtutuli

Hannah Jane Candado

University of San Jose Recoletos - Cebu


Apat na letra ngunit tila abot hanggang sa kabilang baryo ang ugong na dulot nito. Mga bumabalot na bulong tungkol sa pagkalalaki ng isang lalaki na tila ang kinahahantungan ay takot at pagkabalisa. Ano nga ba ang ideya sa likod ng TULI? Saan at bakit ito sinimulan?


Isa sa pinakamatanda at pangkaraniwang kirurhikong operasyon ang pagtutuli sa mga kalalakihan. Tradisyonal na isinasagawa bilang marka ng kultural na pagkakakilanlan, benepisyong pangkalusugan, o kaya naman ay pagbibigay halaga sa sariling relihiyon. Ayon kay Doyle (2005) ang tuli o circumcision sa wikang Ingles, ay nagmula sa salitang latin na "circum" na nangangahulugan bilang paikot o around at "cision" na ibig sabihin ay gupitin o hiwain. Ito ay ang pagtanggal ng balat o prepusyo sa ari ng lalaki na maaaring isagawa sa kahit anong edad ngunit tradisyonal ito na ginagawa matapos isilang ang sanggol o makalipas ang isang buwan ng pagsilang. Ang pagsasagawa ng tuli ay nakaukit na sa kasaysayan, nagmula pa sa ika-2300 BC sa mga taong Semitic, mga Ehipto at Hudyo, na siyang kauna unahang may mga naitalang kagamitan, artipakto at pintadong pader na naglalarawan ng pagtutuli.


Ang relihiyosong paniniwala ay isa sa pangkaraniwang katwiran kung bakit napagpasiyahang ipagpatuloy ang pagtutuli. Hinggil kay Johnson,1993 para sa mga Ehipto ang pagtutuli ay tanda ng pertilidad at maka-Diyos na alay. Sa mga Muslim ito ay kilala sa tawag na "tahera" na ang kahulugan sa Ingles ay "purification", dagdag pa ni Johnson (1993), ito ay bahagi ng pananampalatayang Abrahamiko bilang isa sa mga sagisag sa kanilang pakikitungo kay Allah, hindi man ito sapilitan ngunit ito ay rekomendado. Sa Bibliya ang pagtutuli ay isang tanda bilang tipan sa pagitan ng Diyos at ng mamamayan ng Israel. Sa pahayag ni Stephen C. Reynor, MD mataas ang bilang ng populasyon ng mga nagpapatuli sa mga Hudyo, Muslim at kabilang din ang Estados Unidos. Ginaganap bilang seremonya naman ang pagtuli sa ilang mga lugar ng Africa, Australian Aborigines at mamamayan sa Near East.


Ayon kay Nestor Castro na isang anthropologist, balik- tanaw sa pagdaong ng mga Islam sa Pilipinas taong 1450 ang naging ugat sa pagkakaroon at pagsasagawa ng tuli. Ang tuli sa Pilipinas ay may dalawang pamamaraan, ang tradisyonal at modernong paraan ng pagtutuli. Ang tradisyunal na pagtutuli ay kilala sa tawag na "De-pukpok" na kung saan hindi ito ginagamitan ng anestisya, at lokal na taga baryo lamang ang nagsasagawa gamit ang kalang (an inverted, L-shaped guava branch) at labaha (one that opens from its sheath like a jackknife).


Ang modernong pamamaraan naman ay bihasang mga doktor ang nagsasagawa sa bahay-gamutan at klinika. Sa ulat ng World Health Organisation at UNAIDS ang mga etnikong bansa kalakip ang naninirahan sa bansang Pilipinas ay naging nakasanayan na ang pagtuli ng walang kaugnayan sa relihiyosong paniniwala. Dagdag ni Castro, ito ay may higit na halaga sa kulturang Pilipino, kagaya ng pagkilala bilang isang tunay na lalaki sa pamilya at lipunan. Kaya naman ang ilang mga kalalakihan ay tila nagigipit tuwing pinaguusapan ang tuli, sapagkat ang lalaking hindi pa natutuli ay tinatawag na "supot". Sa pag-aaral ni Lee (2005) ang salitang "supot" ay nagpapahiwatig ng kaduwagan at walang lakas ng loob upang harapin ang sakit at pagkabalisa na naidudulot ng tuli.


Sa kabila ng pagkakaroon ng kaugalian sa pagpapatuli, may ilang mga lugar na madalang itong isinasagawa kagaya ng Europa, Tsina, Far East, Central at South Africa.

 

II. Medikal na Persepsiyon

Reyzel Kate Sabeling

University of Baguio


Ayon sa datos ng World Health Organization o WHO (2019), may humigit-kumulang na 90 porsyento ang mga kalalaking tuli na sa Pilipinas. Sa mga kalalakihang nagpapatuli sa Pilipinas ay may mga dahilan o pinaniniwalaan kaya sila ay nagpapatuli. May mga nagpapatuli sa paniniwala na ito ang daan ng kanilang pagbibinata na kadalasang ginagamit din ng mga magulang para mahikayat ang kanilang mga anak na magpatuli. May mga nainiwala din na ito ay para sila ay tumangkad. Sa mga iba naman ang pagpapatuli ay para magkaroon ng anak, para malinisan o matanggal ang masamang amoy ng pawis at sa paniniwala din na lalaki ang ari. Kung tuli ka naman na ay dapat hindi ito makita ng isang babae dahil ito ay mangangamatis o kaya ay hindi gagaling ang natuling ari.


Ang tuli o circumcision ay isang uri ng operasyon na isinasagawa sa mga kalalakihan kung saan ang balat na bumabalot sa dulo ng ari ay tinatanggal. Maaari itong isagawa sa mga bagong silang na sanggol ngunit ang pinakamadalas ay mga kabataan na nasa edad 9-13 (Dimaandal, 2020). Ayon sa mga eksperto, nakatutulong and tuli upang makaiwas sa ilang mga karamdaman at kabilang na rito ang cancer. Posibleng magkaroon ng build-up ng smegma o dumi sa foreskin ng ari ng lalaki kapag hindi natulian. Posible ring maging breeding ground sa bakterya ang foreskin ng lalaki kaya mahalagang matanggal ang balat na ito upang makaiwas sa iba’t ibang sakit. Nakatutulong ang tuli upang makaiwas sa mga sakit kagaya ng penile cancer, phimosis, UTI o urinary tract infection, balanitis, mas mababang panganib ng STD at madaling mapanatiling malinis ang ari kapag tuli o wala na ‘yung balat na nakatakip sa ulo nito (Ludovice, MD, 2020).



Ang operasyon ng pagpapatuli ay umaabot ng sampung minuto sa sanggol at kung mas matanda ay maaring umabot ng isang oras at ang pagsasagawa sa ay maaaring kailangan ng anestesya. Kadalasang nasa pito hanggang sampung araw bago gumaling ang natuling ari.


Gaya ng ibang operasyon, may panganib o komplikasyon din ang tuli pero ito ay mababa lamang kagaya ng kirot, posibleng pagdurugo at impeksiyon sa bandang natuli, iritasyon sa ulo ng ari, mataas na tiyansa ng meatitis o pamamaga ng ari at ang posibleng pinsala sa ari (Bhargava, MD, 2020).

Para maiwasan ang komplikasyon pagkatapos matuli ay dapat linisin at ingatan ang sugat, limitahan din muna ang aktibidad ng ginagawa batang natuli at mas mabuting iwasan ang pagpaligo ng buong katawan sa mga unang araw matapos ang pagpapatuli sa halip ay magsponge bath na lamang at saka bumalik sa normal na pagliligo pagkalipas ng lima hanggang pitong araw. At ang pangangamatis o pamamaga ng ari pagkatapos matuli ay resulta ng hindi pagpapanatiling malinis ito at hindi ang dahilan na nakita ito ng babae.




Sa mga hindi natuling ari o yung ‘supot’ ay normal din kagaya ng mga natuli basta’t nasusunod pa rin ang tamang kalinisan o yung proper hygiene ay hindi ito magiging problema (Ramin, MD, 2018). Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Brahmbat, MD, (2018) na nagsasabing ang proper hygiene para sa mga lalaking ‘supot’ ay ang paghila ng foreskin at paglinis nito.

Sa ideya namang hindi nakakalahi ang supot ay walang katotohanan at pagdating naman sa pakikipagtalik ay mas mabuting tanungin ang partner sa kanilang gusto. “Pagdating naman sa paggawa ng trabaho, supot man o tuling ari ay nagagamit sa parehong paraan” ani ni Dr. Brahmbatt.

 

III. Gusot sa Manggas ng Isang Abrigo

Mark C. Reyes

Colegio de San Juan de Letran - Manila


Masasalamin sa mukha ni Juan ang pangambang nadarama ngayong tag-init at bakasyon. Sabi ng kaniyang tatay, “Toy, oras na para magpatuli ka.” Ito raw ay isang pagsubok at palatandaan na magdidikta kung siya raw ay ‘totoong lalaki’. Samantala, ang kababata niyang si Lakas ay tinatanggihan ang pagtutuli dahil hindi pa raw siya handa ngayon. “Bakla ka ba?” “Lalambot ka niyan,” ilan lamang sa mga katagang binabato ng kaniyang mga kaibigan at nakikintal sa kaniyang isipan. Tila isang tropeo kung maituturing ng isang binatilyo ang pagtutuli na kailangang makamit upang siya ay makita bilang isang ganap na binata.


Sa ating bansa, isang laganap na pagsasanay ang pagtutuli. Kinikilala ito bilang isang daanan na hindi matatakasan ng mga kalalakihan. Gayon pa man, ang mga lalaking hindi pa natutuli ay pinagtatawanan ng kanilang kapwa kalalakihan at pinapahiya dahil sa kanilang personal na desisyon. Simbolo ng pagkalalaki kung ituring, may stigma pa rin na bumabalot sa pagtutuli na matagal nang pangunahing isyu sa aspeto ng kalusugan.


Option o obligasyon?




Kahit na tanungin ang pinakamabubuting magulang sa Pilipinas kung bakit makabuluhan sa kalalakihan ang pagtutuli ay hindi ito makapagbibigay ng anumang matibay na paliwanag. Sa larangan ng agham at medisina, may pagbibigay-katwiran na ang pagtutuli ay isang pamamaraang biomedical para sa proteksyon laban sa human immunodeficiency virus (HIV) at penile cancer. Sa kabilang banda, malimit na sinasabihan ang mga kabataan na ang pagpapanatili ng kanilang foreskin ay makakakompromiso sa kanilang kasiyahan at kalinisan sa buhay. Ang mga lalaking hindi nagpapatuli ay karaniwang tinatatakan bilang hindi katanggap-tanggap sa anumang relasyon, at mga ‘salarin’ na nagpapakalat umano ng HIV. Ito ay isang partikular na makapangyarihang anyo ng stigma na pinatatamaan ang pagpapahalaga sa sarili at sekswalidad ng isang kalalakihan.


Ayon sa isang kolumnista, sa isang kultura tulad ng Pilipinas kung saan laganap ang patriyarkal at machismo na sistema, mabibigyan ng impresyon ang isang bata na ang pagiging ‘supot’ ay pagiging isang ‘salot’ sa kalalakihan. Sa panganib na mabansagang dungis sa lipunang kaniyang kinabibilangan, mapipilitan ang bata na magpatuli nang hindi tinatanong sa kaniya kung ito ang nais niya o hindi. Dagdag pa rito ang bahid ng sexism at homophobia na nagpapalala pa sa sitwasyon ng mga kalalakihang Pilipino. Mula sa kaalamang ito, maituturing pa bang ‘option’ ang sumailalim sa proseso ng pagtutuli, o isa na itong obligasyon na hindi nararapat na talikuran ninuman?


Impresyon sa lipunan


Sa pananaliksik ni Rennie et al. (2021) sa stigma ng pagtutuli sa South Africa, mahihinuha na ang mga lalaking hindi nagpapatuli ay ipinapalagay sa lipunan bilang kahihiyan, hindi maipagmamalaki, hindi seksi, hindi nakaaakit, duwag, at madumi sa kalusugan. Dagdag pa rito, may implikasyon na ang pagtutuli lamang ang natatanging paraan upang maiwasang mapansin at matawag ng mga salitang nakasisira ng puri. Sa parehong pag-aaral, nakasaad na may impluwensya ang mga impresyon na ito sa isipan at sariling kagustuhan ng kababaihan: na kanilang masidhing ginugusto ang mga lalaking natuli bilang kasosyo sa sekswal na relasyon.


May mga ilang pagkukusang ginagawa ang mga global health agencies upang itaguyod ang importansya ng pagtutuli sa kalinisan ng katawan. Ang kanilang pangunahing mensahe ay umiikot sa kahalagahan ng prosesong ito upang ganap na maging ‘totoong lalaki’ ang isang tao. Subalit, hindi pa rin ito ang pinakamabisang paraan upang matanggal ang kasalukuyang stigma sa pagtuli. Sa halip, para bang sinasabi nila na ang mga kalalakihang hindi nagpatuli ay hindi ganap o isang ‘pekeng lalaki’. Ang ganitong pananaw ay nagpapakalat ng isang ‘emasculating’ na mensaheng nananatili sa ating kultura.



Nakakubling katotohanan


Ayon sa pag-aaral nina Luseno et al. (2019) sa Western Kenya, ang mga batang lalaki na hindi sumailalim sa pagtutuli ay nag-ulat ng masahol na kalidad ng buhay at mga sintomas ng pagkalumbay dahil sa pangungutya na kanilang natatanggap kumpara sa mga kalalakihang nagpatuli. Ang mga resultang ito ay sinuportahan naman nina Gilbertson et al. (2019). Nakasaad sa kanilang pananaliksik na may presensya at pagmumungkahi ng pananakot at kahihiyan sa mga batang lalaki kapag napagalamang sila ay hindi pa nagpapatuli.


Ang pamantayan ng lipunan sa mga kalalakihan ay nakapunla sa isang malalim na patriyarkal at machismong sistema ng bansa. Samakatuwid, ang pagbabago ng pag-uugali at pagtanggal sa stigma ng pagtutuli ay magsasangkot ng higit pa sa pagbabago ng mga pamantayang panlipunan na nauugnay rito. Kailangang puntiryahin ang pag-iisip ng nakararami sa konseptong ito at magkaroon ng interbensyon na kung saan hindi nabibigyan ng pressure ang mga bata na sumailalim sa pagtutuli sa lalong madaling panahon.


Isang kahihiyan na ang pagtutuli sa Pilipinas ay isang pamamaraang nabubuhay sa ilalim ng pamimilit at nababalot sa isang negatibong katangian na nagreresulta sa posibleng pagkabalisa ng bata. Hindi ito magiging sukatan ng pagiging totoo o tunay na lalaki. Dahil mahalagang kilalanin at pansinin ang gusot sa manggas ng isang abrigo. Sa halip na pilitin itong plantsahin at pagandahin, atin itong tanggapin at hayaang maging detalye ng ating pagkatao; walang halong parusa, walang halong panghuhusga.




948 views3 comments

Recent Posts

See All

header.all-comments


Carla Giganan
Carla Giganan
fullDate

oohh, thanks.

like-button.like

Aldrin Adrales
Aldrin Adrales
fullDate

ei

like-button.like

Jhaven Mañas
Jhaven Mañas
fullDate

nice


like-button.like
bottom of page