top of page
TMPS MH Literary Group

Dagat na Dagat ka na ba? Alamin ang Kahalagahan ng Bakasyon sa Sikolohikal na Kalusugan

Updated: Aug 28, 2022



Gezeme Santillan

Polytechnic University of the Philippines


Isa sa pinakahihintay ng mga tao particular na ng mga mag-aaral sa buong mundo ang summer break, lalong-lalo na't ginaganap ito matapos ang nakapapagod at stressful na klase sa mga paaralan at pamantasan, kaya naman tinatawag rin itong School Holiday. Itinuturing itong pinakamahabang bakasyon ng taong panuruan na tumatagal ng anim (6) hanggang labing-apat (14) na linggo, depende sa isang bansa.

Sa buong mundo, nagsisimula ang summer break ng Buwan ng Hulyo hanggang Setyembre subalit iba ang sa Pilipinas sapagkat nag-uumpisa ang klase rito ng Abril hanggang Mayo. Taong 2015 nang magsimulang iangkop ng ilang mga paaralan at pamantasan ang internasyunal na kalendaryo ng taong panuruan.


Sa ganitong panahon, buhay na buhay ang mga mag-aaral dahil para sa kanila isa itong pahinga mula sa nakasasakit sa ulong pagsusulit at paghahabol ng mga proyektong dapat na maipasa sa itinakdang oras.


Ilan sa mga aktibidad na isinasagawa tuwing summer break ay: tumungo sa mga aplaya o dagat at swimming pools upang magtampisaw at maligo; magpiknik kasama ang pamilya sa mga kapatagan o kabukiran; dumalaw sa mga peregrinasyon (pilgrimage) bilang pag-alala at pagninilay-nilay sa pananampalataya alinsunod sa papalapit na selebrasyon ng Mahal na Araw; at ang pag-inom ng mga smoothies, shakes, at halo-halo, isang kilalang pagkain sa Pilipinas tuwing tag-init.


Hindi nakasaaad kung ano ang pinakapinagmulan ng konsepto ng summer break ngunit ayon sa ilang kuro-kuro, mula ito sa kalendaryo ng taong panuruan na ibinatay sa Agrarian family calendar buhat nang ang mga Amerikanong naninirahan noong unang panahon ay binubuo ng mga magsasaka. Subalit, hindi wasto o walang patunay ang haka-hakang ito.


Ayon sa kasaysayan ng America, noong 1684, mayroong "grammar school" na itinayo sa Massachussets ang nagtataglay ng labindalawang (12) buwan ng panuruan. Taong 1841 nang magpatupad ang mga paaralan sa Boston at Philadelphia ng 244 at 251 araw ng panuruan, ayon sa pagkakabanggit.


Dagdag pa roon, batay kay Silva (2007), karaniwang mahabang panahon ang itinatagal ng taong panuruan (251-260 na araw) sa mga malalaking lungsod noong nagsimula ang ika-19 siglo. Sa panahong ito, marami sa mga paaralan sa kanayunan ay nagbubukas ng anim na buwan lamang sa isang taon.


Iniayon ang ideya ng summer break noon sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral sa America upang mapanatili pa rin ang kanilang pagiging globally competitive.


Matapos ang ilang taong argumento hinggil sa pagpapatupad nito, ganap na ipinasa ang summer break bilang School Holiday noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, na siyang nakabatay pa rin sa pangangailangan ng komunidad. Kung kaya’t makikita pa rin ang pagkakaiba ng summer break sa iba't ibang rehiyon ng America maging sa ibang mga bansa.


 

Bakit kailangang magbakasyon?

Robee Francisco

De La Salle Araneta University


Sa kasalukuyan, isa ang bakasyon sa hinahanap-hanap ng masa sapagkat ito ay kinagisnang pahinga at nagsisilbing interaksyon tungo sa ibang indibidwal. Maraming tao ang nakaliligtaan na ito dulot ng mga trabaho, sitwasyon at problemang kinahaharap kung saan masisilayan ang iba’t ibang restriksiyon na ipinapatupad. Gayunpaman, hindi dapat ito tuluyang mawala sa sistema ng buhay kaya hangga’t maari ay muling buhayin ito sa ligtas na paraan (walang patakarang tinatapakan). Ayon kay McMahon (2020) ang kahalagahan ng bakasyon ay unti-unting makatutulong upang maibsan ang tensyon sa mga aktibidad lalo na sa gitna ng Pandemya; ito ang tutulong para mas mapangalagaan ang “mental health.” Ito rin ay maaaring makamit sa paglayo sa mga mabibigat na trabaho at pagbigay ng oras sa sarili. Ika nga:


“Traveling may not be safe, but leaving vacation days behind isn’t healthy, either”


Ayon sa pag-aaral ni Struszczyk, maraming rason kung bakit kailangan ituloy ang pagbabakasyon lalo na sa maidudulot nitong benepisyo. Katulad ng mga sumusunod:

  1. Ito ay makababawas ng tensyon at sintomas na kaakibat ang kalusugang pangkaisipan. Isinasaad rito na ang resulta mula sa ginawang pagsisiyasat ay ang pagkakaroon ng positibong epekto sa pananaw nila sa buhay, kabilang rito ang paglayo sa mga nakagawiang lugar kaya mas lumalawak ang pagdidiskubre kung saan unti-unting malilimutan ang pagsubok.

  2. Ito ay magiging tulay para mas maging produktibo. Sa tulong nito ay lalong makakukuha ng enerhiya mula sa pahinga dahil ipinahayag din sa pag-aaral na kapag nagbabakasyon ang indibidwal ay nadadagdagan ng walong (8) porsiyento sa pagpapatupad ng kanilang trabaho. Dahil dito, mas maayos na maisasagawa ang kanya-kanyang responsibilidad.

  3. Ito ay nakababawas ng sakit (diabetes, osteoporosis, stroke at cancer) sapagkat maraming ehersisyo ang maaaring gawin at masilayan sa isang bakasyon. Dito rin ay magkakaroon ng pagmumuni-muni o repleksiyon ukol sa nakaraan, kasalukuyan at mga nais marating sa hinaharap.



Idinagdag pa rito ang pag-aaral ni Shannon Torberg:


  1. Nakabubuo ng magandang relasyon sa pamilya at maging kaibigan. Ito ay sa tulong ng oras at nadaramang malayang maibabahagi sa iba na nagdudulot ng koneksiyon. Malaking epekto rin ang pagkakaroon ng positibong pakiramdam kasama ang mga mahal sa buhay dahil maraming matututunan sa bawat salitang isinasambit.

  2. Nagdudulot ng kasiyahan ang pagbabakasyon dahil mas lalong nakikilala ang sarili at dahil dito ay nakabubuo ng persepsyong makatutulong sa buhay ng karamihan. Isa rin sa magandang pundasyon nito ay ang pagkakaroon ng “solo-flight” sapagkat nabibigyan ng panahon ang sarili upang tuklasin ang kaniyang tunay na kagustuhan.

Sa kabuuan, isang magandang simula ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay kahit pa maraming dagok ang dumating. Sa bawat araw na sumasapit ay mayroong pag-asang nakakamit, kaya hindi dapat mahinto ang buhay dahil sa isang pagsubok bagkus ay sabay-sabay hanapin ang maaaring gawin upang lalong makasunod sa agos ng mundo. Sa tulong ng bakasyon ay makaiimbak ang lahat ng enerhiya at mapangangalagaan ang sarili sa paraang kognitibo, pisikal at mental.


 

Alternatibong Pampalipas-oras sa Loob ng Tahanan

Reyzel Kate Sabeling

University of Baguio


Mahigit isang taon na nang mag-lockdown ang buong bansa dahil sa dulot ng pandemyang Corona Virus Disease o COVID-19, ano na nga ba ang ating ginagawa gayong nasa loob lang tayo ng bahay at hindi maaaring lumabas?


Sa ating pamamalagi sa ating mga tinitirhan ay naging karamay, kaibigan at katuwang ang ating mga gadyet gaya ng ating mga selpon. Dito tayo natutong umasa na sa online shopping at food delivery kaya kadalasan tayo ay kain at tulog na lang. Wala na rin tayong pakialam kung aong oras na at kung anong araw na dahil ang nasa isip natin ay yung tanong na kailan kaya ako makakalabas ng bahay at makapunta sa ibang dako naman.


Sa palaging ruta ng ating pangaraw-araw ay nasasabik na tayo sa ating dating nakagawian noong wala pa ang hindi nakikitang umagaw sa ating paggala at pagsasaya. Nariyan ang nakakahilo at mahabang biyahe, mga habulan sa dalampasigan, tampisaw sa mga ilog at karagatan, mga nakakalumpong lakaran sa mga kabundokan at iba pang mga ginagawa lalo na sa panahon ng summer o tag-init. Nakakatuwa sana kung ito ang ating ginagawa pero hanggang throwback at pangarap na lang tayo sa mga ganitong eksena.


Hindi man natin magawa ang mga nakakasiglang gawaing panlabas ay may mga alternatibong pwedeng gawin sa loob ng ating tahanan lalo na at summer na naman para hindi tayo tuluyang kainin ng ating pagkabagot, paglamon at pagtulog. Tuwing summer madalas kasi tayo na lumalabas kasama ang anting pamilya o barakada pero ngayong pandemya hindi na ito nagagawa pa, pero may mga alternatibo para kahit papaano tayo ay masaya.


Mga Maaaring Aktidad sa Loob ng Bahay


1. DIY Pool

Tag-init na at gusto na natin na lumoblob sa tubig kaya ang hanap natin swimming pool. Pero kung wala tayong swimming at mayroon tayong bakanteng lote sa ating bakuran ay pwede tayong gumawa ng ating sariling pool. Ang kailangan lang natin ay ang paglalagyan ng tubig kagaya ng tolda at lagyan ng mga bakod o kaya ay maghukay para gawing pool. Kung nais mo naman ng mas nakakasabik na pagkabasa ay maaaring maglaro ng water o squirt gun fight kasama ang pamilya.



2. Camping

Isa sa mga gustong gusto natin maranasan ang pagtulog sa tent habang nakapalibot sa atin ang kalikasan pero pwede naman itong gawin sa ating bahay mismo. Itayo lang ang ating tent kung saan may espasyo pwedeng sa loob o sa ating bakuran. Sa ating bakuran pwede din tayong mag-bonfire habang nag-iihaw ng barbeque o marshmallow, o habang nagkukuwentuhan o kaya ay gugulin ang uong magdamag sa ilalim ng mga tala at buwan sa iyong mismong bakuran.



3. Pagluluto o pag-aaral ng pagluluto

Hindi tayo makapunta sa ibang lugar kung kaya’t bakit hindi natin dalhin yung mga malalayong pagkain sa ating kusina mismo. Iluto natin yung mga pagkain sa mga lugar na nais nating puntahan at kung hindi naman tayo marunong magluto ay panahon na para pag-aralan ito.



4. Gardening

Marami na sa atin ang mga plantito o plantita ngayong nagkapandemya, na isang maganda bagay na dapat ipagpatuloy kahit bumalik tayo sa dati dahil napapalapit tayo sa kalikasan.



5. Paggawa ng Sining

Ang sining ang madalas na ayaw gawin ng tao dahil sa pag-iisip na hindi sila magaling gumuhit pero ito ay isang paraan na maipahayag natin ang ating sarili dahil walang mali sa art, maaaring sa pamamaraan ng pagpinta at iba pang uri ng sining.


6. Sayaw at Musika

Paggawa ng ating sariling sayaw o dance cover at pagbuo ng musika gamit ang ating mga sariling letra.



7. Virtual Tours

Kahit sa pamamagitan ng ating gadget ay maglakbay at pumunta tayo sa ibang lugar. Mas kilalanin at kamanghaan ang isang lugar sa pamamagitan ng virtual tours kung saan din tayo kukuha ng ating idadagdag sa ating bucket list kapag ang lahat ay ayos na.




Maliban sa mga nabanggit ay maaari ding magbasa ng mga nais na kuwento o anumang mga paksa, maglaro ng board games, mag-workout, magzumba o anumang pisikal na aktibidad sapagkat ito ay isang mahalagang bahagi ng pangkalahatang kalusugan. Maaari din itong makatulong sa iyo na mapamahalaan ang iyong stress sa panahon ng kasalukuyang COVID-19 na pandemya.


Ito yung pagkakataon para mas kilalanin natin ang ating kapamilya at mga kasamahan sa bahay. Malay mo yung anak o magaling pala kumanta, yung laging pagkain ang nasa isip mong kapatid mas magaling pala magluto kaysa sa’yo, yung tatay mong ayaw gumagala pero mahilig pala sa camping at iba pang iyong matutuklasan sa iyong kapamilya. Ito yung panahon na may makikita sa lagi mong kasama na hindi mo inaasahang gusto niya at kaya pala niya.


“Paglubog ng araw ay may kinabukasan pa, malay mo sa bukangliwayway ay nasa lugar ka ng gustong mong puntahan at makita”.

94 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page